DoJ exec kay Atty. Santos: ‘Kasuhan mo ako’

  • 9 years ago
Hinamon ngayon ni Justice Undersecretary Francisco Baraan III si Atty. Nena Santos, abogado ni Maguindanao Governor Esmael “Toto” Mangudadatu, na magsampa ng kaso laban sa kaniya.

Ito raw ay kung totoong may hawak na mga ebidensya at testigo si Santos kaugnay sa ipinaparatang nito na siya at ang mga public prosecutor na lumilitis sa Maguindanao massacre case ay nasuhulan.

Ayon kay Baraan, hindi na kailangan pang maghintay ng imbestigasyon si Santos at sa halip ay idiretso na lamang nito sa Office of the Ombudsman o kaukulang tanggapan ang isyu at maghain na ng kaso.

Binalewala naman ni Baraan ang lumutang na listahan o notebook na naglalaman umano ng detalye ng ibinayad na suhol sa ilang mga public prosecutor.

Tinawag pa ni Baraan ang nasabing notebook na rubbish, garbage at carabao manure.

Kasabay nito, nanindigan si Baraan na hindi niya bibitawan ang pangangasiwa sa panel of prosecutors sa kaso ng Maguindanao massacre.

Aniya, nagsimula ang paratang ng suhulan nang magpasya silang tapusin na ang paghaharap ng ebidensya laban sa 28 akusado dahil naniniwala silang sapat na ang kanilang mga naiprisinta para matiyak na maipapanalo ang kaso at mahahatulan ng guilty ang mga nasabing akusado.

Aminado rin ang opisyal na sila ay nagngingitngit na kay Santos dahil ang sinisira na nila ay ang buong institusyon ng DOJ.

Recommended