JPE, nagpasaklolo na sa SC para pigilan ang PDAF case

  • 9 years ago
Nagpasaklolo na sa Korte Suprema si Senador Juan Ponce-Enrile para hilingin na pigilan ang pag-usad ng paglilitis sa kinakaharap nitong kasong plunder kaugnay sa PDAF Scam.

Ito ay sa pamamagitan ng petition for certiorari na inihain ng kaniyang abogado na si Atty. Estelito Mendoza.Sa kanyang petisyon, hiniling ni Enrile na magpalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order na pipigil sa Sandiganbayan sa pagsasagawa ng pre-trial conference at ng mga susunod pang pagdinig sa kaniyang kaso.

Nais din ni Enrile na ipawalang bisa ang desisyon ng Sandiganbayan na nagbabasura sa kaniyang motion for Bill of Particulars, pati na ang pagsalang niya sa arraignment o pagbasa ng sakdal.Ilan sa mga isyu na nais ng senador na mabigyan ng linaw ay:

– Sino sa mga akusado ang nagbulsa ng umano’y ill-gotten wealth na nagkakahalaga ng P172 million?

– Anu-ano ang mga partikular na hakbang na magpapatunay na nagkaruon ng “serye” ng pagtanggap ng kickback o komisyon mula kay Janet Lim Napoles o kanyang mga kinatawan na galing sa proyektong isinakatuparan gamit ang kanyang PDAF allocation?

– Anu-ano ang paulit-ulit na tinanggap? Kung ito ay pera, magkano, saang mga okasyon, petsa, halaga at lugar kung saan ito ibinigay?

– Ano ang batayan para sabihin na ang mga proyekto ay fictitious o peke?

– at paano at bakit pinagsamantalahan ni Enrile ang kanyang posisyon?

Ang nasabing mga punto na nakapaloob sa mosyon ni Enrile ay hindi pinayagan ng Sandiganbayan 3rd Division dahil ang mga ito ay mas mainam umanong matalakay sa pagdinig.

Sa kanyang petisyon sa Korte Suprema, iginiit ni Enrile na ang pagbasura ng Sandiganbayan sa kanyang motion for bill of particulars ay pagkakait sa kanya ng due process at seryosong paglabag sa kanyang constitutional rights na mabigyan ng impormasyon hinggil sa detalye ng isinampang kaso laban sa kaniya.

Recommended