‘P170-M, aabuting gastos sa repat efforts sa Libya’

  • 9 years ago
Tinatayang aabot ng P170-million ang gagastusin ng gobyerno sa nagpapatuloy na repatriation efforts sa mga kababayang naka-base sa Libya.

Kaugnay nito, iniulat ni Department of Foreign Affairs (DFA) spokesperson Charles Jose na karagdagang 2,000 mga overseas Filipino workers ang nagpatala sa embahada para makauwi ng Pilipinas, sa gitna nang umiigting na political at security situation sa naturang North African country.

Ayon sa kalihim, kabilang umano rito ang 1,036 na lilikas mula sa Misrata at Benghazi, 599 mula sa Tripoli at 400 na ginastusan ng kanilang employer para makauwi sa kanilang mga pamilya sa bansa.

Sa kabila nito, aminado si Usec. Jose na mababa pa rin ang naturang bilang sa 13,500 Filipino workers na naka-base sa naturang rehiyon.

Una nang binigyang diin ng mga OFWs na mas gugustuhin nilang makipagsapalaran sa nagpapatuloy na gera sa Libya kaysa umuwi ng Pilipinas nang walang hanap-buhay.

Recommended