‘Gilas, kaagad sumabak sa shootout sa Spain’
  • 9 years ago
Hindi pa man nakakabawi sa mahigit 20 oras na biyahe at jet lag, kaagad na sumabak sa training ang ilang miyembro ng Philippine basketball team sa Vitoria, Spain.

Tatlong oras matapos dumating sa tinutuluyang Jardines de Uleta Suites hotel, kaagad umanong humawak ng bola sina Gilas captain Jimmy Alapag at former Brookly Nets center Andray Blatche para sa ilang round ng shooting practice.

Una ng inihayag ni national team coach Chot Reyes na gagawin nilang dalawang beses kada araw ang kanilang training, kabilang ang serye ng mga tuneup games sa pagitan ng selection players mula sa Liga ACB, isang pro-league team sa Spain.

Nakahanay din umano ang Pilipinas para sa 4-nation pocket tournament sa Antibes, France, kung saan makakalaban ng Filipino cagers ang host country, Australia at Turkey.

Ang nasabing mga scheduled events ay bahagi nang paghahanda ng Pilipinas sa nalalapit na FIBA World Cup.

Ang Pilipinas ay kabilang sa Group B, kasama ang mabibigat na koponan ng Argentina, Greece, Puerto Rico, Senegal at Croatia.

Nasa Group C naman ang reigning champion USA, Ukraine, Finland, Turkey, Dominican Republic at New Zealand.

Pasok naman sa Group A ang host Spain, Serbia, Euro champion France, wildcard Brazil at Asian champion Iran habang nasa Group D ang Lithuania, Slovenia, African champion Angola, Korea, Mexico at Australia.

Magsisimula ang preliminary round sa August 30, kung saan ang “top four teams” ng bawat grupo sa pagtatapos ng round ay aabanse sa 16-team knockout round.
Recommended